President Gloria Macapagal-Arroyo's speech during the Building a School and 'Ahon Pamilyang Pilipino" (APP) Program
Silanganan Elementary School, Phase II, Caloocan City
February 25, 2008
Maraming salamat.
Maraming salamat Secretary Cabral sa iyong pagpakilala. At maraming salamat din, Mayor Echeverri sa inyong mainit na diskursong pagtanggap. Maraming salamat, Congressman Malapitan dahil ang Kongreso ay nagpapasa ng budget na nagbibigay sa atin ng pagkakataong mapagawa itong ating proyektong ito. (applause)
Mga kababaihan, maupo ho kayong lahat.
Happy Edsa anniversary sa inyong lahat. (applause)
Itong araw ang pag-apat o huling araw ng apat na araw na pagdiriwang natin ng Edsa -- February 22 hanggang February 25. At pinagdidiriwang natin ang Edsa dito sa paligid ng mga karaniwang mamamayan dahil iyon ang tunay na diwa ng people power o kapangyarihan ng taong bayan. (applause)
At kanina, tayo ay tumulong maglagay ng dalawang hollow block dito sa ating eskuwelahang tinatayo. Magkano nga itong eskuwelahang ito? Ilang classroom, Undersecretary Bacani? P8.6 million na bahagi ng P200 billion na gagastusin natin sa imprastraktura nitong taon at anim na classroom sa mahigit 10,000 classroom na itatayo natin. (applause)
Dahil alam natin na sa karaniwang Pilipino, ang pamilya ang lahat at ang kinabukasan ng mga anak ay sagrado at kaya malaki ang pinupuhunan na nilalagay natin sa edukasyon. (applause)
Itong taon, yung budget na ginawa nina Congressman Malapitan na pipirmahan natin sa ilang darating na araw, maybe the first week of march ay P160 billion ang nilalagay sa edukasyon. (applause) Pinakamalaking porsiyento ng budget na pumunta sa edukasyon sa ilang taon ng nakaraan.
Kaya itong ginagawa natin, kung minsan, nag-i-inaugurate, kung minsan nagga-ground break, kung minsan nagdadagdag ng hollow block depende kung anong stage ng construction ng ating mga proyekto.
Ngayon, gusto natin kasi na lahat ng bata ay pupunta sa eskuwelahan at libre naman ang eskuwela, eh. Kaya kung tutuusin mo, dapat walang dahilan. Kaya lamang kung minsan, may mga pamilya na lubha ng kahirapan, kahit na libre ang eskuwela, hindi nagpapadala ang mga bata sa eskuwelahan. Ito yung mga pinakamahirap sa ating bansa. At para tulungan isagot yang problemang yan, na kahit na libre ang eskuwelahan, sa sobrang..., hindi pa rin mapadala ang mga bata sa eskuwela ay linulunsad natin itong programang 'Ahon Pamilyang Pilipino'. (applause)
Ano itong programang ito? Ito ang programa hindi sa mga mahihirap kundi sa pinakamahihirap sa lahat ng mahihirap. At gaya ng nakita natin -- cash ang binibigay. Dadaan sa ATM ng Landbank of the Philippines kaya nandito ang pangulo ng Landbank, si Gilda Vitug. (applause) Dalawampu ang binigyan natin nong ATM card ngayon. Pero dito sa Caloocan, Espie? Isang libo ang nakitang pamilyang bahagi sa pinakamahirap sa buong Pilipinas . (applause) Nandito ba yung isanglibo? Nandito ba sila? Ah, kayo palang naka-uniporme, okay. At iba-iba ang amount na binibigay sa inyo depende sa pangangailangan ninyo, depende sa ilang anak ninyo at lahat. Pero may kondisyon ito -- ang kondisyon kailangan ang mga anak niyo, pumapasok sa eskuwelahan. Kung maliit, kung 5-years old or below dapat nagpupunta sa day care. At kung 6-years old and above, dapat nagpupunta sa elementary school. At buwan-buwan pa, bibisitahin kayo ng DSWD para masigurado na tinutupad niyo yung mga kondisyon. At ito ay habang tinutupad ninyo ang kondisyon at habang ako ay pangulo, buwan-buwan -- ibibigay ito sa inyo. (applause)
Kasi alam natin na kahit na kung anong ganda ang takbo ng ating ekonomiya, at sa kasaysayan ng ating ekonomiya sa mahigit isang henerasyon, ito na ang pinakamaganda. Meron pa ring mga lubos na naghihirap at yun ang pinakamagdudusa, nagdudusa kapag sa mundo, humihina ang ekonomiya ng mundo ng amerika, o tumataas pa ba ang presyo ng langis sa mundo, ang pinakanahihirapan ay yung mga pinakamahihirap. Kaya itong programa nating 'ahon pamilyang pilipino' ay para makatuwid kayo, para makapag-aral ang inyong mga anak. Para pumunta kayo sa mga health center para malusog ang inyong pamilya. At sa ganon, makakaahon ang inyong pamilya sa lubhang-lubhang kahirapan. (applause)
Kaya ito ang tunay na diwa ng people power -- tulungan yung mga pinaka-naghihirap maging pangmatagalang paghihirap, kahit kayo ay kasama sa pinakadukhang pamilya sa ating bansa o kaya nagdudusa kayo kahit pansamantala dahil nagkaroon ng sakuna. Gaya ng nangyayari sa ating mga kapatid: sa Bicol, sa Samar, Leyte, sa Mindoro. Kaya bahagi rin ng diwa ng Edsa, hinihiling din natin don naman sa mga mas maykaya, tulungan natin yung mga kapatid natin na nagdudusa doon sa mga lugar na yun dahil sa mga lubhang ulan.
Yang mga lubhang ulan ay dumating naman dahil sabi nila, yung climate change -- nag-iiba-iba tuloy ang panahon, somosobra ang ulan. Kahit na hindi Pilipinas ang may kasalanan, pangmundo yung climate change, ang sagot na lang natin doon ay sikapin nating alagaan ang ating kalikasan.
Dito sa mga barangay, dito sa mga lungsod, ang ating kontribusyon sa ating kalikasan o Green Philippines ay conservation. Linisin natin yung mga basura. Siguraduhin natin na ang tubig ay malinis, kasi yun ang kailangan sa kalusugan.
Marami tayong kailangang gawin, sa susunod na dalawang taon at kalahati, doon tayo maglalagay ng ating pagdiin: yung gumanda ang ekonomiya at iahon ang pinakamahihirap na sumama sa kaunlaran, yung edukasyon na susi ng kinabukasan ng susunod na salinlahi at yung pag-alaga ng ating kalikasan. Sa ganoon sa darating na henerasyon, mas malusog at mas may ginhawa ang ating mga bata ng kasalukuyang panahon.
Ito ang diwa ng people power na gusto nating ipagdiriwang itong araw na ito. (applause)
Maraming slaamt. Mabuhay Caloocan, mabuhay ang Pilipinas. (applause)