DURING THE LAND TRANSPORTATION FRANCHISING AND REGULATORY BOARD (LTFRB) LAUNCHING CEREMONY OF ITS TRANSPORT MODERNIZATION PROGRAM
"Mga Makabagong Sasakyan para sa Kalusugan at Kapaligiran tungo sa Maingat at Maginhawang Paglalakbay"
One Esplanade, SM Mall of Asia complex, Pasay City
June 16, 2008
Maraming salamat, Secretary Mendoza sa iyong pagpakilala. At sa iyo, kay Tom Lantion at lahat ng mga nagtatrabaho sa DOTC at saka sa LTFRB, Happy 21st Anniversary! (applause)
Pwede na ho kayo umupo.
Secretary Reyes; Secretary Limcaoco na nandiyaan; ating mga congressmen na narito: si Mikey, si Congressman Roxas at saka si Congressman San Luis at yung ama ng Biofuels Act, si Migz Zubiri; ang ating host dito sa Pasay City, si Mayor Peewee Trinidad; (applause) ang ating host naman dito sa gusaling ito, si Mr. Hans Sy; (applause) iba't-ibang mga negosyante, mga investor, mga driver, mga manggagawa na bahagi ng napaka-importanteng industriya ng transportasyon, sa inyong lahat din, Happy 21st Anniversary sa LTFRB. (applause) Kasi kayo lahat ay mga stakeholders dito. Ay! batiin ko rin pala ang chairman ng Biofuels Corporation, si Rene Velasco. (applause)
Gaya nang sabi ni Tom Lantion, itong anibersaryo ng LTFRB ay ipinagdidiriwang sa panahon, at sabi nito ni Migz Zubiri na nakapagtindig na tayo ng matipunong ekonomiya ng Pilipinas, na tumutulong sa atin harapin ang hamon ng pangmundong sibad ng presyo ng pagkain at langis. At nagbubunga itong ating tinayong ekonomiya, sa 2007 naabot natin ang pinakamalakas na paglago ng ating ekonomiya sa loob ng tatlumpung taon, dahil malakas ang piso -- at nakita ko doon sa peryodiko kahapon -- dumoble and pamumuhunan noong unang tatlong buwan nitong taon, at malapit na nating mabalanse ang budget.
Bunga nitong pagsigla ng ekonomiya, nakakapagpamuhunan tayo sa inyong mga pangunahing sektor para sanggahan ang dagok ng tumatalong halaga ng bigas at krudo sa maralita. Naglaan tayo ng apat na bilyong piso mula sa value-added tax sa langis upang pondohan ang iba’t-ibang programa na tinatawag nating "Katas ng VAT."
Itong enerhiya, gaya ng pagkain, pandaigdigan itong isyu at labas sa kakayahan ng isang pamahalaan ang malaking bahagi ng magagawang kilos. Gayon pa man, nagbibigay tayo ng kapili-piling pangginhawa sa krudo at langis na nakatutok sa pinaka-nangangailangan. At kayo yun yung mga nagmamaneho at nagpapatakbo ng mga sasakyan.
Nagsusulong tayo ng mga mahigpit na pagkilos upang magtipid sa enerhiya at mas umasa sa sarili nating pagkukunan ng enerhiya sa bisa ng mga investment gaya ng natural gas, sariling langis, biofuels -- doon nga yung batas ni Migz Zubiri, yung renewable energy na malapit na maging batas ni Migz Zubiri at saka nung anak kong si Mikey, pareho silang Juan Miguel, ang pangalan nila Juan Miguel -- renewable energy ang tawag sa kanila.
Kamakailang pinalad tayo magsimula ng produksyon ng langis naman, pati langis doon sa Galoc, di ba, Angie? Sa dagat, sa kanluran ng bansa, na mag-aangat ng produksyon ng krudo sa bansa hanggang sampung porsiyento ng ating konsumo. So yun ay isang swerte rin natin o pagbasbas.
Pero binabati rin natin si Migz at saka si Congressman San Luis hindi lamang dahil sa Biofuels Law kung hindi dahil kasama nila yung mga kasapi ng Laguna Biofuels Development Cooperatives -- saan kayo? Ha, hindi pumasok yata. Sa likod ba, saan kayo? Ayun! Ayun! Okay -- na nagtitiyak sa ating magkakaroon tayo sa hinaharap ng karagdagang produksyon ng biodiesel galing sa jatropha.
Nagagalak tayo na puspusan na ang paghahanda ng Laguna Biofuels Development Cooperative, kasama ang U.P. Los Baños -- nandito ba yung ating mga taga U.P.? Nandoon sila. Congratulations sa inyo! -- upang palawakin ng jatropha. At nagkaroon na pala ng launching kamailan lang yung cooperative, yung U.P., si Migz at saka si Egay at sinabi ni Congressman San Luis na maglalagay siya ng mga farm-to-market road upang maging malapit yung jatropha sa pagdadalhan, kaya maraming salamat sa inyo Congressman San Luis.
Bilang Katas ng VAT at ng Vehicle Pollution Control Fund, inilulunsad natin ngayon ang isang bilyong pondo, isang bilyong pisong pautang sa mga namamasada sa jeepney at iba pang pampublikong sasakyan upang magpalit ng makina para magamit ang LPG, compressed natural gas at iba pang alternatibong pangkarga sa sasakyan na malaking mura kaysa sa gasolina at diesel. (applause)
Inatasan ng inyong lingkod ang Department of Energy kasama ng DOST ng DTI, ng DOTC na to oversee the shift or conversion to alternative fuels from fossil fuels towards the implementation of Migz Zubiri's Biofuels Act. Kaya yan ang ginagawa natin ngayon. Kasi kung... halimbawa, yung mga sasakyan ng pamahalaan, 20 percent -- Angie, di ba? -- ng lahat ng sasakyan ng pamahalaan ay dapat i-convert. At kayo naman mga nagmamaneho, nagpapasada kailangan din hindi lamang dahil sa utos kundi dahil para man makakita pa kayo kasi kung hindi kayo magco-convert talagang napakataas na ang presyo ng langis.
Ngayon, abot sa dalawangdaang libong piso ang kailangan kung magpapalit ng makina, abot sa 70,000 kung bibili ng conversion kit, abot sa 550,000 kung bibili ng bagong jeepney na gumagamit na ng alternative fuels kaya tutulungan kayo ng pamahalaan. (applause) Target nating magpa-convert ng sampung libong jeepney, at para na rin sa mga bus at mga taxi. Kaya nasisiyahan ako na nandito yung mga lider ng ating industriya ng transport hindi lamang jeepney, bus pati taxi. At itong pondong ito ay ipapautang ng Development Bank of the Philippines. At sabi ko, hindi lang DBP, Larry, pati yung Postal Bank dapat lalaanan din ng pondo para pwede kayong pumili, pwede kayong humiram sa DBP, pwede kayong humiram sa Postal Bank kung saan mas malapit, mas convenient para sa inyo.
Sa matitipid ninyo sa LPG, CNG o biofuel, mababayaran niyo ang utang, at maaaring magpahiram pa itong mga bangko sa ibang namamasada upang sila naman ay makakatipid. Sabi nga ni Larry ang bayad ay yung boundary ninyo 80 pesos per day ang ibabayad ninyo sa utang. So, yun ang ginagawa natin para magaan ang bayad. Saan kayo makakahanap ng ganung pautang na ang bayad ay 80 pesos per day lamang kung hihiram kayo ng 200,000. (applause) At hindi lang yun walang interest, (applause) so siguro mababayaran niyo paunti-unti sa loob ng dalawang taon. So, sa loob ng dalawang taon 'di lahat noon inyo na ang kita. (applause)
Kaya binabati natin ang mga tsuper ng jeepney at bus kayo ang unang makakatanggap nitong benepisyo. Congratulations sa inyong lahat! (applause) Pero hindi lang congratulations, salamat, nabasa ko kanina sa peryodiko ang pahayag na 'di na itutuloy ang hiling na itaas ang pasahe. Maraming salamat din. (applause)
Bukod doon, inatasan natin si Energy Secretary Angie Reyes na sugpuin ang mga kotong at kolorum na kumakaltas, (applause) kasi dinig ko hanggang apat na libong piso raw sa kita ng tsuper bawat buwan ang nakakaltas sa mga kolorum at kotong. Eh biro mo kung wala na yun eh di mas madali kayo makabayad ng inyong utang.
Sa mga nakalipas na linggo, meron din tayong ibang mga Katas ng VAT na nailunsad na. Sinimulan natin ang unang programa ng Katas ng VAT sa paglunsad ng Pantawid Kuryente, ito naman ay tulong ng limangdaang piso para doon sa mga kumukunsumo ng hindi hihigit sa 100 kilowatts per month. At inaasahan natin na apat na milyong pamilya ang mabibiyayaan ng dalawang bilyon na nakalaan sa programang ito -- Katas ng VAT: Pantawid Kuryente. Kayo naman yung inyo -- Katas ng VAT: Pantawid Pasahe. (applause)
Nagbigay din tayo ng Katas ng VAT para sa mga estudyante sa halagang isang bilyong piso rin -- kalahating bilyon bilang scholarships sa mahihirap, at kalahating bilyon bilang pautang sa mga gastos na maliliit. Nakalaan ang mga scholarships sa mga nag-aaral sa mga kursong kailangan sa pagpapalago ng produksiyon ng pagkain tulad ng agrikultura at fisheries. Samantala, sa ilalim ng programang SAFE 4 SR (Student Assistance Fund for Education for a Strong Republic), makakahiram ng walong libong piso bawat semester ang mga estudyanteng nasa third, fourth or fifth year ng pag-aaral para sa diploma, sa kanilang uniporme, sa kanilang toga o kung ano yun.
Kaya wala tayong pagod na nagpupursige upang tugunan ang mga hamong bunga ng paghina ng ekonomiya ng mundo at pagsipa ng mga presyo ng langis at pagkain. Malubha ang tama sa mahihirap nitong mga puwersang pandaigdig.
Kaya ang mensahe natin sa araw na ito, sa 21st anniversary ng LTFRB ay ito: gagawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya upang mapagpatuloy ang nasimulan na nating pag-angat ng ating ekonomiya.
Sa inyong lahat, Mabuhay! At sana patuloy ang inyong kaunlaran. (applause)